FULL TEXT: Cardinal Advincula’s homily during Mass for Nazarene feast

January 9, 2025 - 11:30 AM
823
Cardinal Jose Advincula of Manila delivers his homily during Mass for the Feast of Jesus Nazareno at the Quirino Grandstand in Manila on Jan. 9, 2024. (CBCP News/Earl Jerald Alpay)

MANILA— Here’s the full text of Cardinal Jose Advincula’s homily during Mass for the Feast of Jesus Nazareno at the Quirino Grandstand in Manila on Jan. 9, 2025: 

Lubhang kagalang-galang Antonio Tobias, Bishop Emeritus ng Novaliches. Lubhang Kagalang-galang Teodoro Bacani, obispo emerito ng Novaliches. Lubhang Kagalang-galang Rufino Sescon Jr. rektor ng Basilika Menor at Pambansang Dambana ni Nuestro Padre Jesus Nazareno at Hinirang na Obispo ng Balanga sa Bataan. Kagalang-galang Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, Punong lungsod ng Maynila; at ating Hermana Mayor, Kagalang-galang Yul Servo, Vice Mayor ng Lungsod ng Maynila. Police General Rommel Francisco Marbil; iba pang mga opisyal at kasapi ng ka-pulisan, mga paring nakipagdiwang, mga diyakono, mga seminarista, mga relihiyoso at relihiyosa, mga minamahal kong kapatid kay Kristo, at kapwa deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.Viva Hesus Nazareno!

Nagpapasalamat tayo sa Diyos sapagkat tinipon niya tayo ngayon upang sumamba at maglingkod sa kanya. Masaya ako na makapiling kayo ngayong Piyesta ng Mahal na Poong Hesus Nazareno. Maligayang kapistahan po sa ating lahat!

“Mas mabuti ang pagsunod kaysa paghahandog sa mga umaasa kay Hesus.” Ito ang tema ng ating piyesta ngayong taon. Hango ito sa unang aklat ni Propeta Samuel (15:22). Dalawang aral ang alalahanin natin: pag-asa kay Hesus at pagsunod kay Hesus.

Una ay pag-asa kay Hesus. Sa ating Ebanghelyo ngayon, sinabi ng Panginoon kay Nicodemo na kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.Gusto ng Mahal na Senyor na tayo na mabuhay, mabuhay ng walang hanggan. Ano ba ang mas maganda, buháy o patáy? Mas malakas, buháy o patáy? At ang gusto ng Mahal na Senyor para sa atin ay hindi lang buháy, kundi buháy na walang hanggan!

At may kasabihan pa tayong mga Pilipino, “Habang may buhay, may pag-asa”. Naniniwala ba kayo roon? May mas magandang turo ang Mahal na Senyor: sa halip na habang may buhay may pag-asa, ang turo nya sa atin ay habang may pag-asa, may buhay! Pakiulit nyo nga po, “Habang may pag-asa, may buhay!” Hangga’t meron tayong pag-asa, meron tayong buhay. Hindi natin kayang mabuhay kung wala tayong pag-asa sa buhay. Dahil ang taong walang pag-asa sa buhay ay papátay-pátay.

Mga kapatid, may pag-asa tayo dahil buhay si Hesus Nazareno! May pag-asa tayo dahil buhay ang Mahal na Senyor! Sa tuwing sumisigaw tayo ng “Viva!” sa Mahal na Senyor, sinasabi natin na buhay ang Mahal na Senyor. Buháy ang pag-asa natin dahil buhay ang Mahal na Senyor. Nabubuhay siya sa mga puso natin. Nabubuhay siya sa paligid natin. Nabubuhay siya kasama natin. Huwag na tayong magpapátay-pátay. Habang may pag-asa, may buhay. Kaya’t mabuhay tayo sa pag-asa kay Hesus. Viva Hesus Nazareno!

Ang ikalawa naman ay pagsunod kay Hesus. Sa Ikalawang Pagbasa, sinabi ni San Pablo na ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ay masunurin sa kanyang Ama. Sumunod siya sa kalooban ng Diyos Ama, magpahanggang kamatayan. At bakit masunurin si Hesus? Sapagkat mahal niya ang Ama. Ang nagmamahal sa Diyos ay sumusunod sa Diyos. Ang umaasa sa Diyos ay sumusunod sa Diyos.

Kaya naman, mga minamahal na kapatid kay Hesus Nazareno, kung tunay tayong deboto, kung totoong mahal natin ang Poong Hesus Nazareno, maging masunurin tayo sa kanya. Gayahin natin sya, na masunurin sa Ama magpahanggang kamatayan. Sabi sa ating tema ngayong taon, mas kinalulugdan ng Diyos ang ating pagsunod kaysa paghahandog.

Sa totoo lang, ang pagsunod ang tanda ng pag-asa. Kung ano ang sinusunod natin, yun talaga talaga ang inaasahan natin. Kung naghahandog tayo sa Senyor, pero sumusunod naman tayo sa pera, ibig sabihin, pera talaga ang inaasahan natin. Kung nagdedebosyon tayo sa Senyor, pero sumusunod naman tayo sa masamang tao, ibig sabihin, masamang tao ang inaasahan natin. Kung namamanata tayo sa Senyor, pero sumusunod naman tayo sa bisyo, ibig sabihin, bisyo talaga ang inaasahan natin. At kapag susunod tayo sa pera, sa masamang tao, sa bisyo, o anumang bagay ng mundo, mabibigo lamang tayo.

Iisa lamang ang tunay na maaasahan; iisa lamang ang nagdudulot ng pag-asang hindi bumibigo: ang Mahal na Poong Hesus Nazareno. Kaya’t sya ang sundin natin. Ang mga utos nya ang isabuhay natin. Ang mga aral nya ang isapuso natin. Ang halimbawa nya ang tularan natin. Mas mabuti ang pagsunod sa Mahal na Senyor.

Harapin mo ngayon ang katabi mo, at sabihan mo sya: “Kapatid,” Mas malakas, “Kapatid,sumunod tayo kay Hesus.” Palakpakan natin ang Mahal na Senyor!

Pag-asa kay Hesus at pagsunod kay Hesus: ito ang mga tanda ng tunay na deboto. Ipangako natin ito kay Hesus. Sya lang maaasahan natin. Sya ang lagi nating sundin.

Viva Hesus Nazareno!

RELATED: Cardinal Advincula warns against slavery to money, vices on Nazarene feast